November 3, 2009
good morning angst.
Hindi ko alam kung ano ang pagmamahal para sa iyo,
Gaya ito siguro ng sa ibang tao, marahil karamihan ng tao.
Pero para sa akin,
Kapag mahal mo,
Kakaligtaan mo ang kanyang pagkukulang
Mga kahinaan
Mga mumunting pagkakamali
Mga hindi masasayang pangyayari
Mga naitapong mga sandali
Mga nabitawang salitang nagdulot ng hapdi.
Kakaligtaan mong ito.
Papalipasin.
Iintindihin.
Dahil nalalaman mong sa kabila ng lahat ng mga pagkukulang niya
Bumabawi siya.
Bumabawi siya sa pagsalo sa bawat luhang iyong ibinigay.
Sa bawat pag-iintindi mo ng walang kapantay.
At sa pag-aaming siya nga ay muli’t muling nadadapa at natatangay.
Tatanggapin mo lahat ng ito para sa kanya.
Tatanggapin.
Pero ang pagtanggap ay hindi natatapos sa pagiintindi.
Inintindi mo nga siya sa mga panahong siya ay naging mahina,
Pero sa bandang huli, isusumbat mo rin ang mga ito sa kanya,
Isusumbat mo kung paano siya naging mahina
At kung gaano kalaki ang iyong pag-intindi sa kanya sa tuwi-tuwina.
Akala ko ba natanggap mo ng lahat iyon?
Akala ko ba naintindihan mo na siya sa mga panahong iyon?
Hindi ba kasama iyon sa depinisyon mo ng pagmamahal - ang hindi pagsumbat sa lahat ng ginawa mong pagtatanggap?
Kasi para sa akin,
Kung mahal mo ang isang tao,
Tatanggapin mo siya ng buong puso.
Na kahit mawala ang lahat ng nasa pagitan ninyo,
Hindi mo ipagmamalaki kahit kanino kung gaano kalaki ang sakripisyong ginawa mo para lang tanggapin ang mga pagkukulang niya,
Hindi mo ipagsisigawan sa mundo kung gaano siya nagkulang, at kung gaano kalaki ang iyong pinuno.
Sinusukat mo lang ba ang buong panahong inalay mo sa kanya sa pagbilang ng kanyang bawat pagkukulang na iyong pinalampas?
Hindi ganun.
Dahil kung ganun rin lang,
Hindi mo nga siya minahal,
Dahil nagmimistulang malaking bagay ang simpleng pagtanggap sa katauhan ng taong sinasabi mong minahal mo.
Filed by magandang-tanawin at 7:07 am under Uncategorized
No Comments